|
Apat na kawani ng Commission on Higher Education ang bumisita sa GNC noong ika-labing siyam ng Agosto ng taong kasalukuyan bilang paghahanda sa pagbubukas ng isang panibagong kurso sa susunod na taon.
Inispeksyon nina Prof. Randy Y. Sansait, Prof. Marilyn M. Sanchez, Prof. James A. Esquivel at G. John Wesley S. Calagui, ang iba’t ibang rekwisitos para sa pagbubukas ng kursong Information Technology (BSIT) sa GNC. Sila ang bumubuo sa Regional Quality Assessment Team (RQAT) na pinamunuan ni G. Calagui na isang Supervising Education Program Specialist. Buong araw na tinignan at sinuri ng RQAT ang mga pasilidad at mga kagamitang kinakailangan sa pago-offer ng nasabing kurso.
Sinuri nila halos ang buong GNC mula sa mga computer laboratories hanggang sa pagbisita nila sa silid-aklatan, opisina ng College of Business Administration, klinika, opisina ng Guidance Counselor, opisina ng ROTC, at ang ibang pang mga silid sa ating paaralan.
Ang mga nasabing rekwisitos na kinakailangang maipasa at dapat maapruba ng CHED ang mga sumusunod: pasilidad, Computer Laboratories, mga aklat, mga guro, paraan ng pagtuturo, at pati ang kurikulum.
Ayon kay G. Joel D. Canlas, guro mula sa nasabing departamento, halos ng mga nabanggit na rekwisitos ay maayos na at naisumite na sa CHED para sa pagpapa-apruba. Sa buong araw na pagiinspeksyon ng RQAT ay inilatag nila ang kanilang mga komento at suwestiyon patungkol sa mga kinakailangang baguhin at isaayos para sa pagbubukas ng panibagong kurso.
“The facilities are OK but they should be kept clean”, ani G. Canlas. Ang mga computer units daw sa 402 Puno Hall ay kailangan ng palitan dahil sa kalumaan ng mga ito. “Each department should have at least 5, 000 volumes of books as required by the commission”, wika pa ni G. Canlas.
Ang iba pang mga suwestiyong nabanggit ng RQAT ay ang paghihiwalay ng mga kursong Computer Science (BSCS) at ng Information Technology (BSIT) mula sa College of Business Administration. Ang mga nasabing mga kurso ay magkakaroon ng panibagong kolehiyo na tatawaging College of Computer Studies. Magkakaroon din ng hiwalay na program chairman o dean ang nasabing panibagong kolehiyo. |