|
“Halika nga rito bata ka! Ano na naman ba ang isinusumbong mo sa tatay mo? Akala mo ba hindi ko mababasa ang mga sulat mo!!! Pining! Pining! Kunin mo nga yung pamalo ko at papaluin ko itong batang ito!”
Siya si Aling Dionesia, tiyahin ni Miong. Si Miong ay anak ni Mang Fredo na nagtatrabaho at nagpapakahirap sa ibang bansa para sa kanyang pamilya. Mula nang pumanaw ang kanyang asawa dahil sa malubhang karamdaman, naiwan sa pangangalaga ng kanyang kapatid na si Aling Dionesia ang kanyang mga anak.
Walong taong gulang pa lamang si Miong nang magsilmulang magtrabaho bilang isang construction worker sa Zimbabwe ang kanyang amang si Mang Fredo. Malakas kumita si Mang Fredo sapagkat marami itong raket sa Zimbabwe. Bukod sa pagiging construction worker sa araw, isa rin siyang call center agent tuwing gabi. Labis ang hirap na dinaranas nito bilang OFW makapagpadala lamang ng malaki sa kanyang mga anak sa Pilipinas.
Ang hindi alam ni Mang Fredo, naghihirap rin ang kanyang pamilya sapagkat lahat ng kanyang kinikita at pinapadala para sa mga anak ay dumadaan muna kay Aling Dionesia at sa alalay nitong si Pining.
Noong una ay hindi alam ni Mang Fredo ang ginagawang pagmamaltrato nina Aling Dionesia at Pining sa mga anak hanggang sa matutong magpadala ng sulat si Miong sa ama upang i-report ang ginagawang pagpapahirap sa kanila.
Kaya heto na naman si Aling Dionesia… pinapalo ang kawawang si Miong. Wala ring magawa ang mga kapitbahay sapagkat natatakot rin sila sa tinagurian nilang “mangkukulam ng bayan”.
Kung ilalarawan si Aling Dionesia, siya ay maputi, may katangkaran, malalim ang mga mata, makapal ang kolorete sa mukha, at higit sa lahat… mataba. Kung totoo man na siya ay mangkukulam, siya na siguro ang pinaka matabang mangkukulam na makikita ng sangkatauhan. Siguro nakakain na niya lahat ng masasarap na pagkain at nasusunod ang kanyang mga kapritso dahil sa mga nakukulimbat na salapi na dapat sana ay sa pag-aaral ng mga pamangkin.
Si Pining naman ang kanyang dakilang alalay. Payat lamang si Pining kung ikukumpara sa kanya. Pero sa kasamaan ng pag-uugali, silang dalawa ang magka-tandem. Si Pining ang laging nakakasalamuha ng mga bata. Siya ang nagsilbing yaya nina Miong. OA siya kung magmalupit sa mga inaalagaan. Noong minsan, humingi ng gatas ang dalawang taong gulang na kapatid ni Miong na si Tonya, , hindi n’ya ito agad binigyan. Nagpalipas muna ito ng isa at kalahating oras bago kumuha ng gatas na ipinatimpla kay Miong.
“Bakit po ba ang tagal ninyong ibigay ang gatas ng kapatid ko?” tanong ni Miong sa impaktitang yaya.
“Aba, maghintay ka! Alam mo bang bago ko mabili yang mga pangangailangan ninyo ay kailangan ko munang kwentahin ang makukupit ko? brwahahahah!!!” nananadyang sagot ni Pining.
Nakakauwi lamang si Mang Fredo kada dalawang taon kaya sa mga panahong iyon, masayang masaya ang magkakapatid. Nagbabago rin ang ihip ng hangin sa tuwing nasa Pilipinas si Mang Fredo. Ang demonyitang si Pining ay nagiging tila anghel sa kabaitan sa mga bata. Minsan ay nalaman ni Mang Pong na hindi pinayagan ni Pining na magpunta sa zoo ang mga kapatid ni Miong. Agad na kinausap ni Mang Pong si Pining.
“Pining, bakit hindi mo pinayagan na pumunta sa zoo ang mga bata? Alam mo bang kailangan nila iyon sa paaralan? Hindi ba’t nagpadala na ako ng pera para doon?” galit na tanong ni Mang Fredo.
“Opo sir, pasensya na po… Sige po ngayon din po ipapasyal ko na sila sa zoo.” sabi ni Pining.
“Tandaan mo Pining, ‘yang pera pinapadala ko ay para sa mga bata. Hindi naman ako nagkukulang sa pagpapasahod sa iyo, sana naman ‘yung mga pangangailangan nila, agad mong ibigay” sabi ng amo.
“Opo sir.” maamong sagot ni Pining.
Sa loob-loob ni Pining nanggagalaiti na siya sa sinabi sa kanya ng amo. Hindi niya sukat akalain na makukuhang makapagsumbong ng mga bata sa kanilang ama. Agad nitong kinausap si Aling Dionesia sa nangyari.
“Ma’am, alam n’yo po ba, nalalaman na ni Sir yung mga ginagawa natin sa mga bata. Lahat daw po ng kailangan nila dapat nating ibigay.” sumbong ni Pining
“Ano???!!!... Talagang ang mga batang iyan! Hindi maari ito… Napakarami ng pera ang ginagasta ni Fredo sa pagpapagawa ng bahay na ito. Hindi na tuloy ako nakakapagpa-parlor. May balak pa naman ako bumili ng kotse! Paano na yung pagbo-ballroom dancing ko??? Mula nang umuwi siya dito, puro na lang mga anak niya ang nakikinabang! Gumawa ka ng paraan Pining para huwag makapaglabas ng pera sa bank book ng mga bata.” mahabang litanya ng matanda.
“Ma’am pero po…”
“Wala ng pero pero!!! Hala lumayas ka sa harapan ko at magmatyag ka sa mga bata!” galit na sabi ni Aling Dionesia.
Bago pa makalabas ng silid si Pining ay biglang pumasok si Mang Fredo.
“Ate, hindi ko alam na tinitipid mo ang mga bata!”
Fredo, narinig mo ba lahat?
Oo ate, sinabi na rin sa akin ng mga bata ang pagpapahirap mo sa kanila. Bilang isang magulang ate, nais kong mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak ko kaya ako nagpapakahirap kumayod sa ibang bansa. Gusto kong mabigyan sila ng maganda at disenteng buhay. Ang bahay na ito ay aking pinapaayos para na rin sa kanilang kapakanan. Lahat ng ipinadadala ko ay para sa kanila. Hindi mo pera ‘yon ate. Hindi pa ba sapat ang binibigay ko sa’yo? Bakit mo kailangang magtipid ng wala sa lugar?
At ikaw Pining, ikaw ang yaya ng mga bata. Trabaho mo na ibigay ang kanilang pangangailangan. Hindi naman galing sa bulsa mo ang gagastusin nila, bakit hirap na hirap kang magbigay ng nararapat sa kanila?
“Sir, sumusunod lang po ako kay Ma’am Dionesia.”
“Ako ang nagpapasahod sa’yo kaya sa akin ka sumunod”
Gusto kong sabihin sa inyo na hindi na ako aalis papuntang Zimbabwe.
Whaattt???? bulalas ni Aling Dionesia
“Yup!!!” sagot ni Mang Fredo
Dito na ako maninirahan sa piling ng mga anak ko. Gusto ko ako na ang gumabay sa kanila mula ngayon. Marami na rin akong pagkukulang sa kanila.
“Pero Fredo… paano ang trabaho mo?” tanong ng kapatid
“Sapat na siguro ang aking mga naipon ate, ‘tsaka may nakita na akong magandang trabaho sa kumpanya ng kumpare ko. Mabuti na rin iyon para masubaybayan ko ang aking mga anak. Dito na ako maninirahan kasama nila. Magsisimula kaming muli. Maraming salamat ate, heto pala ang regalo ko sa inyo... dalawang one-way ticket sa Iraq para sa inyong dalawa ni Pining tanda ng aking pasasalamat.”
Iraq? Saan naman iyon?
“‘Di ko rin alam ate… uhmm Sale kasi ‘yan kaya binili ko na.”
“Hindi ko matatanggap yan! Eww… sana binigyan mo ako ng tiket papuntang USA! hmp!”
“Sige lalayas na ako rito!”
“Ma’am… paano po ako?”
“Bahala ka sa buhay mo… loka-loka!”
Lubhang nalungkot si Aling Dionesia sa nangyari. Tila natauhan ang matanda sa kasamaang ipinakita sa mga pamangkin. Siya ay nabaliw dahil sa pangungulila. Si Pining naman ay naging notoryus na holdaper na kasalukuyang tinutugis ng mga pulis. Labis siyang naghirap mula ng umalis sa pamilya ni Mang Fredo.
Makalipas ang ilang taon, nakatapos ng pag-aaral si Miong. Naging isa siya sa mga mahuhusay na abogado sa bansa. Tinulungan rin niyang makatapos ang mga kapatid sa kolehiyo. At ang kanilang ama na si Mang Pong ay tuluyan ng nagretiro sa trabaho para makapiling ang kanyang mga anak.
(JEREMY M. PALLASIGUI) |